Ngayong ika-anim ng Hulyo 2025, ginugunita namin ang unang taon ng pagpanaw ng aming ama, si Lamberto E. Antonio: makata ng bayan, tinig ng naaapi, at haligi ng panitikan. Sa kanyang alaala, iniaalay ko ang tulang ito, hinubog sa anyo at diwa ng kanyang sariling panulat.
Sa ilalim ng kupas na langit
nakahimlay ang tinig
na minsang yumanig
sa katahimikan ng mga walang mukha.
Sa bawat linya mo’y
pumapalahaw ang latigo ng gutom,
ang sigaw ng piyon,
ang hikbi ng magsasakang tinanggalan ng lupa.
Hindi ka na muling magsusulat,
ngunit ang bawat habi ng salita mo
ay nananatiling gulugod
ng mga hindi marunong yumuko.
Ama,
sa bawat alikabok ng lungsod
at halik ng habagat sa bukid,
naroroon ka pa rin,
nagmamasid,
nagbabantay,
nananahan sa diwa
ng bayan mong mahal.